SB San Rafael, Ininspeksyon ang mga Commercial Stalls sa San Agustin
- SB San Rafael

- Apr 10
- 1 min read

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili at ang pagsunod sa mga teknikal na pamantayan ng konstruksyon, nagsagawa ng isang ocular inspection ang Sangguniang Bayan ng San Rafael sa mga itinatayong commercial stalls sa Barangay San Agustin.
Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng ating Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, katuwang ang mga kagalang-galang na Kagawad ng Sangguniang Bayan. Layunin ng pagbisitang ito na personal na masuri ang kalagayan ng mga istruktura at tiyakin na ang mga ito ay naaayon sa mga umiiral na regulasyon para sa kaligtasan at kapakanan ng publiko.

Ayon kay Vice Mayor Edison, mahalaga ang paglago ng komersyo sa ating bayan, ngunit dapat itong balanse sa pagsisiguro na ang bawat imprastraktura ay dumaan sa tamang proseso at ligtas ang pundasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" Violago, Jr., patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagbabantay sa mga itinatayong establisyimento. Katuwang ang Municipal Engineering Office, sinisiguro ng Sangguniang Bayan na ang bawat stall ay sumusunod sa mga itinakdang building code para sa seguridad ng mga magtitinda at ng mga mamamayan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng adhikain ng pamahalaang bayan na itaguyod ang isang disiplinado, maayos, at ligtas na San Rafael para sa lahat ng mga mamamayan nito.





Comments