top of page

Sangguniang Bayan, Pinangunahan ang Inspeksyon sa Bagong Medical Facility sa Brgy. Maronquillo


Bilang bahagi ng pangako ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang kalidad at kaligtasan ng mga pasilidad na nagsisilbi sa ating mga kababayan, nagsagawa ng ocular inspection ang Sangguniang Bayan ng San Rafael sa pangunguna ng ating Pangalawang Punong Bayan, Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, kasama ang mga Kagawad ng Sangguniang Bayan.


Ang inspeksyon ay isinagawa sa bagong tayong Laboratory and Diagnostic Center na pagmamay-ari nina Mr. Jonathan Enriquez at Mrs. Leticia Fernandez. Ang pasilidad, na may sukat na 50 square meters, ay matatagpuan sa Barangay Maronquillo, San Rafael, Bulacan.


Layunin ng pagbisitang ito na matiyak na ang pasilidad ay sumusunod sa mga itinakdang pamantayan at regulasyon ng pamahalaan, lalo na’t ito ay isang sentrong pangkalusugan na magbibigay ng serbisyong medikal sa ating komunidad. Ang maayos at ligtas na pasilidad ay kritikal upang masiguro ang tamang serbisyo at kapakanan ng mga pasyenteng gagamit nito.


Binigyang-diin ng Sangguniang Bayan na malugod nilang sinusuportahan ang mga ganitong inisyatibo na nagdadala ng mas malapit na serbisyong medikal sa ating mga barangay. Ang pag-unlad ng mga pribadong negosyo na nakatuon sa kalusugan ay isang malaking tulong upang maibsan ang pangangailangan ng ating mga mamamayan para sa mabilis at de-kalidad na pagsusuring medikal.



Comments


bottom of page