top of page

Proteksyong sa TB: Kahalagahan ng TPT, Binigyang-diin ng Pamahalaang Bayan


Sa ilalim ng temang "Yes! PILIPINAS can #ENDTB!", masigasig na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang kampanya para sa mas malawak na kamalayan at pagsugpo sa sakit na Tuberculosis (TB).


Layunin ng programang ito, sa pangunguna nina Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" Violago, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison M. Veneracion, na protektahan ang bawat pamilyang San Rafaeleño mula sa banta ng hawaan. Ayon sa ulat pangkalusugan, ang isang taong may Active TB ay maaaring makahawa sa hanggang 10–15 katao sa loob lamang ng isang taon sa pamamagitan ng malapit na pakikisalamuha o close contact.


Upang gabayan ang ating mga kababayan, narito ang dapat malaman tungkol sa dalawang uri ng TB:

  • Active TB: Maaaring may sintomas o wala, ngunit ito ay nakakahawa.

  • Latent TB: Walang nararamdamang sintomas at hindi nakakahawa, subalit isa sa bawat sampung mayroon nito ay maaaring mauwi sa Active TB kung hindi maaagapan.


Dahil dito, binibigyang-diin ng munisipyo sa pamamagitan ng ating mga Rural Health Units (RHU) ang kahalagahan ng "Mag-TPTodo." Ito ay ang pag-inom ng TB Preventive Treatment (TPT) ayon sa reseta ng doktor upang matiyak na hindi na lalala ang impeksyon.


Muling ipinapaalala ng lokal na pamahalaan na mayroong libreng serbisyo, X-ray, at gamot na available sa ating mga TB facilities at health centers. Huwag balewalain ang kalusugan ng iyong baga—magpasuri nang kahit isang beses sa isang taon para sa isang ligtas at malusog na komunidad.

Comments


bottom of page