Mga Opisyal ng San Rafael, Lumagda sa Drug-Free Workplace Pledge
- SB San Rafael

- Jul 15
- 1 min read

Upang matiyak ang isang ligtas, malusog, at produktibong kapaligiran sa serbisyo-publiko, matagumpay na isinagawa ang Drug-Free Workplace Policy and Program Orientation para sa mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael.
Naging pangunahing tagapagsalita sa programa si Mr. Glenn M. Guillermo, ang Public Information Officer ng PDEA Regional Office III. Katuwang niya si Intelligence Officer Ms. Ronamel N. Reyes ng PDEA Bulacan Provincial Office, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman tungkol sa wastong pagpapatupad ng patakarang ito sa mga tanggapan ng pamahalaan at maging sa mga pribadong sektor.

Bilang highlight ng aktibidad, nakiisa ang mga pinuno, hepe, at kawani ng iba't ibang tanggapan ng pamahalaang bayan sa isang pormal na panunumpa at paglagda sa Drug-Free Workplace Pledge of Commitment. Ito ay patunay ng kanilang buong suporta at matibay na pangako na panatilihing malinis at drug-free ang kanilang mga lugar ng trabaho. Ang nasabing programa ay pinangunahan ng Drug-Free Workplace (DFW) Committee at DFW Assessment Team.
Ipinagmamalaki rin na ang Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa buong Lalawigan ng Bulacan na nakabuo ng sarili nitong Manual on the Municipal Government of San Rafael Drug-Free Workplace Policy and Program.
Ang hakbang na ito ay isang malaking kontribusyon sa pambansang kampanya laban sa ilegal na droga at sa pagsusulong ng isang disiplinado at may integridad na serbisyong pampubliko para sa mga mamamayan.




Comments