top of page

Luksang Parangal para kay Former VM Gabriel Venturina, Isinagawa


Sa ilalim ng isang mapitagan at madamdaming seremonya, idinaos ng Sangguniang Bayan ng San Rafael ang isang Luksang Parangal para sa yumaong dating Pangalawang Punong Bayan, Kgg. Gabriel De Mesa Venturina.


Ang programa ay pinangunahan ng ating kasalukuyang Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, katuwang ang lahat ng mga kagalang-galang na Kagawad ng Sangguniang Bayan. Layunin ng pagtitipon na ito na bigyang-diin at kilalanin ang hindi matatawarang kontribusyon, dedikasyon, at tapat na serbisyo ni dating PPB Gabriel sa ating mahal na bayan sa loob ng mahabang panahon.


Sa mensahe ng pasasalamat, binigyang-diin ni Vice Mayor Edison ang legasiya ni Venturina na nagsilbing pundasyon ng maraming polisiya at programa na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng mga San Rafaeleño. Ayon sa pamunuan, ang kanyang pagpanaw ay isang malaking mawawala, ngunit ang kanyang halimbawa bilang isang lingkod-bayan ay mananatiling inspirasyon sa mga kasalukuyang opisyal at kawani.


Nakiisa rin sa pagbibigay-pugay ang iba’t ibang sektor ng ating lipunan na naging saksi sa malasakit at kabutihang-loob ng dating bise mayor. Bilang tanda ng paggalang, nag-alay ng mga panalangin at bulaklak ang bawat miyembro ng sanggunian para sa kanyang huling hantungan.


Ang buong Pamahalaang Bayan ng San Rafael, sa pangunguna nina Mayor Cipriano "Goto" Violago, Jr. at Vice Mayor Edison Veneracion, ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay at panalangin para sa katatagan ng pamilya Venturina sa panahong ito ng pagluluksa.

Comments


bottom of page