Kauna-unahang SNEd Building sa Ikatlong Distrito, Pormal nang Binuksan
- SB San Rafael

- Apr 1
- 1 min read

Isang malaking hakbang tungo sa edukasyong inklusibo ang naitala sa ating bayan matapos pormal na pasinayaan ang bagong Special Needs Education (SNEd) Building sa Carlos F. Gonzales High School noong ika-26 ng Marso.
Ang proyektong ito ay bunga ng pagsisikap ni Igg. Mark Cholo I. Violago, dating punong bayan at kasalukuyang Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Bulacan, katuwang ang Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Cipriano "Goto" Violago, Jr. at ng buong Sangguniang Bayan.

Ang nasabing gusali ay itinuturing na makasaysayan dahil ito ang kauna-unahang SNEd Building sa buong Ikatlong Distrito ng Bulacan na sadyang idinisenyo at inilaan para sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan. Layunin nitong magbigay ng ligtas, angkop, at de-kalidad na espasyo kung saan malilinang ang talento at kakayahan ng mga special learners.
Dumalo sa nasabing inagurasyon ang ating Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, kung saan tinanggap din niya ang isang Certificate of Appreciation na iginawad para sa kanyang kabiyak na si dating Vice Mayor Marilyn S. Veneracion, bilang pagkilala sa naging suporta nito sa mga proyekto para sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Vice Mayor Edison, hindi titigil ang lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng mga pasilidad sa paaralan. "Patuloy tayong nagsisikap upang makapagtayo rin ng kaparehong pasilidad sa iba pang paaralan sa ating bayan upang masiguro na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan," aniya.
Ang proyektong ito ay patunay ng matibay na pagkakaisa ng mga opisyal sa San Rafael at sa Distrito upang itaguyod ang karapatan ng bawat kabataan sa maayos na edukasyon, anuman ang kanilang kalagayan.





Comments