top of page

Tanggapan ng Punong Bayan, Patuloy na Bukas sa Mamamayan


Sa patuloy na pagtataguyod ng isang bukas at may pagkakaisang pamamahala, ikinagalak ng tanggapan ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. ang naging pagbisita ng isa sa mga tinitingalang pinuno ng bayan—ang dating Congresswoman at naging Punong Bayan din ng San Rafael na si Tita Lorna Silverio.


Ang pagbisita ay naging isang mahalagang pagkakataon upang magpalitan ng mga pananaw at makabuluhang karanasan sa pamamahala ang kasalukuyan at dating alkalde. Ayon kay Mayor Goto, ang patuloy na pakikiisa at pagbabahagi ng kaalaman ni Tita Lorna ay nagsisilbing malaking inspirasyon sa kaniyang administrasyon upang higit pang mapaganda ang mga plano para sa kapakanan ng mga San Rafaeleño.



Bukod sa espesyal na pagbisitang ito, binigyang-diin ng punong bayan na araw-araw na nananatiling bukas ang pintuan ng munisipyo para sa lahat. Nagsisilbi itong daan upang personal na pakinggan ang tinig ng publiko—mula sa mga kababayang humihingi ng tulong, naglalapit ng mga mungkahi, hanggang sa mga grupong may mga programang nais ibahagi para sa ikabubuti ng komunidad.


Nagpaabot ng kaniyang taus-pusong pasasalamat si Mayor Goto sa tiwala, ideya, at pakikiisa ng bawat residenteng bumibisita sa kaniyang tanggapan. Aniya, sa pamamagitan ng matatag na pagkakaisa at bukas na komunikasyon ng mga lider at mamamayan, mas mapapalakas pa ang paghahatid ng tapat, makatao, at makabuluhang serbisyo na magdadala ng magandang kinabukasan sa buong San Rafael.

Comments


bottom of page