top of page

SB San Rafael, Nagsagawa ng Pagdinig sa mga Panukalang Badyet at Paglalaan ng Pondo


Nagsagawa ang Sangguniang Bayan ng San Rafael ng isang lupong pagdinig sa magkasanib na komite ng Lupon ng Pananalapi, Badyet at Paglalaan at Lupon sa Ugnayang Pambarangay upang talakayin ang ilang usaping may kaugnayan sa badyet, supplemental budget, at paglilipat ng pondo ng mga barangay at Sangguniang Kabataan.


Pinangunahan ang pagdinig nina Kgg. Edlin M. Indon at Kgg. Reynaldo V. Pile, Jr., kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa patnubay ni Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison M. Veneracion, gayundin ang mga kinatawan ng Local Finance Committee ng Bayan ng San Rafael.


Kabilang sa pangunahing tinalakay ang Annual Budget para sa taong 2026 ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Coral na Bato.


Sinuri rin ng mga komite ang Supplemental Budget Blg. 01 ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Ulingao at Tambubong, gayundin ng Barangay Pulo, Barangay Salapungan, at Barangay Pasong Bangkal.


Bukod dito, tinalakay din ang mga panukalang paglilipat ng pondo ng Barangay Pulo at Barangay Salapungan upang matiyak na ang paggamit ng pondo ay naaayon sa mga itinakdang programa at pangangailangan ng mga barangay.


Layunin ng naturang pagdinig na masusing masuri ang mga panukalang badyet at paglalaan ng pondo bago ang kaukulang aksiyon ng Sangguniang Bayan, alinsunod sa mga umiiral na patakaran sa pamamahala at paggamit ng pampublikong pondo.


Patuloy namang isinasagawa ng Sangguniang Bayan ang mga pagdinig at pagsusuri upang maisulong ang maayos, responsable, at episyenteng pamamahala ng pondo para sa kapakinabangan ng bawat komunidad sa San Rafael.

Comments


bottom of page