top of page

SB San Rafael, Ininspeksyon ang Poultry Farm sa Pasong Intsik


Upang matiyak ang kalinisan ng kapaligiran at ang kaligtasan ng mga residente, isinagawa ng Sangguniang Bayan ng San Rafael ang isang ocular inspection sa isang poultry farm na matatagpuan sa Barangay Pasong Intsik.


Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, katuwang ang mga kagalang-galang na Kagawad ng Sangguniang Bayan. Layunin ng pagbisitang ito na personal na masuri ang kalagayan ng pasilidad at tiyakin na ang operasyon nito ay sumusunod sa mga itinakdang alituntunin ng pamahalaan, partikular na sa aspeto ng sanitation, waste management, at environmental safety.



Ayon kay Vice Mayor Edison, mahalaga ang mga ganitong hakbang upang maiwasan ang anumang pinsala sa kalusugan ng mga mamamayang San Rafaeleño at upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad. Sinisiguro ng lehislatura na ang bawat negosyo sa bayan, lalo na ang mga nasa sektor ng agrikultura, ay balanse sa pagitan ng pag-unlad ng kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan.


Sa ilalim ng pamumuno ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" Violago, Jr., patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagbabantay sa mga establisyimento upang masiguro na hindi nakakaabala ang operasyon ng mga ito sa mga karatig-kabahayan. Katuwang ang mga kaukulang departamento, layon ng Sangguniang Bayan na magsilbing gabay sa mga business owners upang maitama ang anumang kakulangan sa kanilang pasilidad.


Ang tagumpay ng inspeksyong ito ay bahagi ng adhikain ng pamahalaang bayan na itaguyod ang isang maayos, malinis, at disiplinadong San Rafael para sa lahat.

Comments


bottom of page