top of page

Sangguniang Bayan, Sinuri ang Lokasyon ng Cell Site sa Brgy. Ulingao


Upang matiyak ang maayos at ligtas na pagpapatupad ng mga proyektong pang-komunikasyon sa bayan, nagsagawa ng ocular inspection ang Sangguniang Bayan ng San Rafael sa pangunguna ng Pangalawang Punong Bayan, Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, kasama ang mga Kagawad ng Sangguniang Bayan.


Ang inspeksyon ay isinagawa sa site kung saan itatayo ang bagong Cell Site Tower ng Frontier Towers Associates Philippines, Inc. Ang pasilidad ay may sukat na 225 square meters at matatagpuan sa Barangay Ulingao, San Rafael, Bulacan.


Layunin ng pagbisitang ito na masuri ang mismong lokasyon at masiguro na ang itatayong istruktura ay sumusunod sa mga panuntunan ng lokal na pamahalaan, kabilang ang mga usapin sa zoning, kaligtasan, at ang magiging epekto nito sa kapaligiran at sa mga residente ng nasabing barangay.


Binigyang-diin ni Vice Mayor Kuya Edison na ang mga ganitong proyekto ay mahalaga sa makabagong panahon upang mas mapalakas ang koneksyon ng telekomunikasyon at internet sa ating bayan. Gayunpaman, tungkulin ng Sangguniang Bayan na tiyakin na ang bawat Cell Site ay nakatayo sa tamang lugar at hindi magdudulot ng panganib sa komunidad.


Ang aktibidad na ito ay bahagi ng masusing pagbusisi ng lehislatura bago maglabas ng kaukulang pahintulot o clearance, bilang bahagi ng kanilang mandato na pangalagaan ang interes at kapakanan ng bawat San Rafaeleño habang isinusulong ang modernisasyon sa bayan.

Comments


bottom of page