San Rafael LGU, Nagpatupad ng Bagong Sistema sa National ID Registration

Ipinatupad ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang pre-registration system para sa pagkuha ng National ID upang maiwasan ang mahabang paghihintay at matiyak na mabibigyan ng serbisyo ang mga aplikante sa itinakdang araw ng kanilang pagpaparehistro.
Maaaring personal na magtungo ang mga nais magparehistro sa Municipal Civil Registrar’s Office (MCRO), na matatagpuan sa unang palapag ng Main Building ng Municipal Hall, upang magpalista at kumuha ng iskedyul.
Tumatanggap ng pagpapatala ang tanggapan mula Lunes hanggang Huwebes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Ang aktuwal na National ID registration ay isinasagawa tuwing ikatlo at ikaapat na Miyerkules ng bawat buwan.
Mga kinakailangan sa pagpaparehistro:
Bagong silang na sanggol: Barangay Residency at National ID ng magulang
Mga menor de edad: Birth Certificate o PSA Birth Certificate
Mga aplikanteng 18 taong gulang pataas na nag-aaral: Birth Certificate o PSA Birth Certificate at School ID
Mga aplikanteng 18 taong gulang pataas na hindi na nag-aaral: Barangay Residency
Hinihikayat ang mga aplikante na magpa-pre-register at kumuha muna ng iskedyul bago pumunta sa itinakdang araw ng registration. Layunin ng sistemang ito na gawing mas maayos, mabilis at organisado ang proseso ng pagkuha ng National ID.






Comments