San Rafael, Inilunsad ang 'Chikiting Ligtas Tigdas' Vaccination Campaign Ngayong Agosto
- SB San Rafael

- Aug 5
- 1 min read

Upang tuluyang maprotektahan ang kalusugan ng mga bata laban sa nakahahawang sakit, puspusang inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang kampanyang “Chikiting Ligtas Tigdas” ngayong buwan ng Agosto.
Hinihikayat ng pamahalaang lokal, sa pamamagitan ng Municipal Health Office, ang lahat ng mga magulang at tagapag-alaga na dalhin ang kanilang mga anak na may edad 6 hanggang 59 na buwan (6-59 months old) sa mga itinalagang fixed o temporary vaccination posts sa kani-kanilang mga barangay.
Tiniyak ng mga health workers na ang ibinibigay na bakuna ay ligtas, epektibo, at libre para sa lahat. Layunin ng gawaing ito na mabigyan ng matibay na pananggalang ang mga chikiting laban sa tigdas at maiwasan ang anumang malalang komplikasyon na maaaring idulot ng nasabing sakit.
Pinapayuhan ang mga magulang at tagapag-alaga na agad makipag-ugnayan sa Municipal Health Center o sa kani-kanilang mga Barangay Health Workers (BHWs) upang malaman ang takdang araw, oras, at eksaktong lokasyon ng pagbabakuna sa kanilang lugar.
Ang mahalagang programang pangkalusugang ito ay buong pusong itinataguyod ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna nina Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" M. Veneracion, kasama ang Sangguniang Bayan, upang tiyakin na walang batang San Rafaeleño ang maiiwan pagdating sa medikal na kalinga at proteksyon.




Comments