top of page

San Rafael, Binalangkas ang 10-Year Solid Waste Management Plan


Upang matiyak ang kalinisan at pangmatagalang proteksyon ng kalikasan, matagumpay na isinagawa ang Formulation, Finalization, and Assessment of the Ten-Year Solid Waste Management Plan of San Rafael (2025–2034).


Ang mahalagang aktibidad ay pinangunahan ng Tanggapan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at ni Punong Bayan Kgg. Cipriano D. Violago, Jr., katuwang ang iba't ibang departamento at sangay ng Pamahalaang Bayan.



Pangunahing layunin ng pagpupulong na mabuo ang isang komprehensibo, epektibo, at napapanahong plano na magsisilbing pangunahing gabay ng buong bayan sa pamamahala ng basura sa susunod na sampung taon.


Sa loob ng talakayan, masusing sinuri ng mga opisyal ang kasalukuyang kalagayan ng basura sa bayan, mga umiiral na programa, at mga pangunahing hamon na kinakaharap ng komunidad. Naglatag din sila ng mga konkretong estratehiya upang higit pang mapalakas ang waste reduction (pagbabawas ng basura), segregation (pagbubukod ng nabubulok at di-nabubulok), recycling, composting, at ang ligtas at tamang pagtatapon ng mga natitirang basura.


Sa pamamagitan ng pagkakaisa at sama-samang partisipasyon ng mga lokal na ahensya, inaasahang mas mapapaigting pa ang mga programang pangkapaligiran. Titiyakin din nito na ang bayan ng San Rafael ay 100% na sumusunod sa mga itinakdang alituntunin ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.


Ayon sa Tanggapan ng Punong Bayan, ang hakbang na ito ay patunay ng seryosong komitment ng lokal na pamahalaan na isulong ang mga luntiang programa na magpapanatili sa kalinisan at kalusugan ng kapaligiran para sa pakinabang ng mga susunod pang henerasyon ng mga San Rafaeleño.

Comments


bottom of page