San Rafael Agriculture Office, Nagsagawa ng Demo sa Pheromone Lure para sa mga Peste ng Mais
- SB San Rafael

- Apr 30
- 1 min read

Upang mas mapabuti ang pamamahala sa mga peste at mapanatili ang kalidad ng ani, nagsagawa ng pagpupulong at aktwal na demonstrasyon ang Municipal Agriculture Office ukol sa tamang paggamit ng pheromone lure laban sa mga peste ng mais, partikular ang fall armyworm at corn stem borer.
Sa aktibidad, ipinakita sa mga lokal na magsasaka ang wastong paggamit ng pheromone lure, isang makabagong pamamaraan na idinisenyo upang makaakit ng mga adult male fall armyworm. Ayon sa mga eksperto, malaki ang naitutulong ng pamamaraang ito upang mabawasan ang paggamit ng mga kemikal na insecticide sa bukid. Bukod dito, epektibo nitong napipigil ang mabilis na pagdami ng peste sa mga taniman ng mais.

Bukod sa demonstrasyon, tinalakay rin nang masinsinan kung kailan at paano ito epektibong ilalagay sa bukirin upang matiyak ang pinakamainam na resulta.
Ang matagumpay na aktibidad ay pinangunahan ng Municipal Agriculture Office katuwang ang Provincial Agriculture Office at ang Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture Regional Field Office III (DA RFO III).
Layunin ng pamahalaang bayan na patuloy na magbahagi ng mga makabagong teknolohiya at kaalaman upang mas mapababa ang gastos ng mga magsasaka at mas mapataas ang kanilang kita at ani.





Comments