top of page

Public Hearing sa Cruz na Daan: Sangguniang Bayan, Sinuri ang Proyektong Commercial Building


Bilang bahagi ng proseso upang matiyak ang maayos na pag-unlad at pagsunod sa mga lokal na ordinansa, matagumpay na isinagawa ng Sangguniang Bayan ng San Rafael ang isang Pampublikong Pagdinig (Public Hearing) sa Barangay Cruz na Daan.


Ang nasabing pagdinig ay pinangunahan ng ating Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, kasama ang Tagapangulo ng Committee on Public Works and Infrastructures, Kgg. Nestor V. Vicho, at ang mga kagalang-galang na miyembro ng Sangguniang Bayan.


Pangunahing tinalakay sa pagtitipon ang kahilingan ni G. Nick Conrad M. Camo para sa paglalabas ng Sangguniang Bayan Clearance. Ito ay para sa itinatayong commercial building na may kabuuang sukat na 162.22 metro kwadrado na matatagpuan sa nasabing barangay.


Nakiisa rin sa pagdinig ang mga hepe ng mahahalagang tanggapan ng munisipyo, kabilang ang Municipal Planning and Development Office (MPDO), Municipal Engineering Office, at Municipal Assessor’s Office. Ang kanilang presensya ay mahalaga upang masuri ang teknikal na aspeto, zoning, at legalidad ng proyekto bago ito tuluyang bigyan ng pahintulot.


Ayon kay Vice Mayor Edison, ang mga ganitong hakbang ay patunay ng tapat at transparent na pamumuno nina Mayor Cipriano "Goto" Violago, Jr. at ng buong SB, upang masiguro na ang bawat negosyong itinatayo sa San Rafael ay ligtas at naaayon sa plano para sa ikabubuti ng komunidad.

Comments


bottom of page