PNP San Rafael, Isinusulong ang Kaalaman sa Anti-Bullying Act
- SB San Rafael

- Jun 29
- 1 min read

Upang matiyak ang kaligtasan, kapayapaan, at proteksyon ng mga kabataan sa mga paaralan, mas pinalalakas ng PNP San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang kanilang kampanya at pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa Republic Act 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013.
Ang hakbang na ito ng lokal na kapulisan ay naglalayong magbigay-kamalayan sa mga mag-aaral, magulang, at mga guro ukol sa masamang epekto ng bullying at ang mga kaukulang parusa na maaaring harapin ng sinumang lalabag sa batas na ito.
Sa ilalim ng RA 10627, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng bullying sa loob ng mga paaralan—ito man ay physical (pananakit), verbal (panunukso o panglalait), social/relational (cyber-bullying o pagpapakalat ng maling balita), o ang paggamit ng teknolohiya upang mamerwisyo ng kapwa mag-aaral.
Ayon sa pamunuan ng PNP San Rafael, ang pagkakaroon ng ligtas at mapayapang kapaligiran sa mga eskwelahan ay susi upang makapag-aral nang maayos ang mga kabataan nang walang takot o pangamba. Hinihikayat ng kapulisan ang publiko, partikular na ang mga biktima o nakasaksi ng ganitong insidente, na huwag matakot magsumbong sa mga awtoridad o sa pamunuan ng paaralan.
Nananatiling committed ang San Rafael MPS sa pakikipagtulungan sa mga lokal na paaralan at pamahalaan upang masigurong ang bawat kabataang San Rafaeleño ay protektado at lalaking may disiplina at respeto sa kapwa.





Comments