top of page

Pambansang Pabahay sa San Rafael: Sangguniang Bayan at DHSUD, Nagpulong para sa Proyektong 4PH


Upang maisakatuparan ang adhikain na magkaroon ng sariling tahanan ang bawat pamilya, nagsagawa ng mahalagang pagpupulong ang Sangguniang Bayan ng San Rafael katuwang ang mga kinatawan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong nakaraang Abril 28, 2026 sa SB Session Hall.


Ang pagpupulong ay pinangunahan ni Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" M. Veneracion upang talakayin ang mga detalye ng nakatakdang pagpapatayo ng proyektong Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH).


Dumalo rin sa nasabing pagtitipon sina Municipal Administrator Dra. Marina R. Viente, MD, kasama ang mga matataas na opisyal mula sa nasyonal na pamahalaan kabilang sina Assistant Secretary Atty. Johnson V. Domingo, Architect Raffael D. Garcia, Engr. Vernillo D. Lambunao, at Engr. Ludwig Van B. Molina.


Pangunahing layunin ng pagpupulong na bigyang-linaw ang mga mahahalagang detalye ng proyekto, mula sa disenyo, konstruksyon, hanggang sa pondo na ilalaan ng pamahalaan. Ang nasabing pabahay ay popondohan ng pamahalaan at direktang ipatutupad ng DHSUD.


Ayon sa pamunuan, kapag natapos na ang pagtatayo ng mga pasilidad ng pabahay, ito ay pormal na ituturn-over at ipapasa ang pangangasiwa sa lokal na Pamahalaang Bayan ng San Rafael upang matiyak na mapupunta ito sa mga karapat-dapat na kababayan.

Comments


bottom of page