top of page

Pamahalaang Bayan, Pinalakas ang Kampanya Laban sa Ilegal na Droga


Isang mahalagang hakbang tungo sa paghilom at muling pagbangon ng komunidad ang isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael matapos ang pormal na paglalagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa Community-Based Drug Rehabilitation Program.


Ang nasabing kasunduan ay nilagdaan sa pagitan ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" Violago, Jr., at ng DOH Treatment and Rehabilitation Center (TRC) Bataan. Layunin ng partnership na ito na mas mapalakas ang mga programa sa rehabilitasyon na nakatuon sa mga kababayang naapektuhan ng ilegal na droga.



Ayon kay Mayor Goto, ang inisyatibong ito ay sumasalamin sa "serbisyong may malasakit" na naglalayong magbigay ng pangmatagalang suporta, pag-unawa, at wastong medikal na interbensyon para sa mga nagnanais magbagong-buhay. Sa halip na purong pagpaparusa, binibigyang-diin ng programa ang re-integrasyon ng mga indibidwal sa lipunan bilang mga produktibong mamamayan.



"Nananatiling bukas ang ating pamahalaan sa mga inisyatibong nagtataguyod ng kalusugan at kapayapaan. Ang layunin natin ay isang mas ligtas at maunlad na San Rafael kung saan ang bawat isa ay may pagkakataong magsimulang muli," pahayag ng Punong Bayan.


Katuwang ang Sangguniang Bayan at ang Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, patuloy na ilalapit ng munisipyo ang mga pasilidad at ekspertong tulong mula sa DOH upang matiyak na ang bawat barangay ay magiging drug-cleared at ligtas para sa bawat pamilyang San Rafaeleño.

Comments


bottom of page