top of page

Pamahalaang Bayan, Nanawagan ng Pagkalinga sa Pisikal at Mental na Kalusugan


Kasabay ng pagdiriwang sa buong mundo, nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa paggunita ng World Health Day ngayong ika-7 ng Abril, 2026.


Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion ang kahalagahan ng pagtutok sa kalusugan hindi lamang bilang isang indibidwal na responsibilidad kundi bilang pundasyon ng isang matatag na komunidad. Ang taunang pagdiriwang na ito ay naglalayong magmulat sa publiko tungkol sa mga isyung pangkalusugan at hikayatin ang lahat na unahin ang kanilang kagalingan.


Ayon kay Vice Mayor Edison, ang pagkakaroon ng masiglang pamumuhay ay nagsisimula sa mga simpleng gawi. "Ang tamang pagkain, sapat na pahinga, at regular na ehersisyo ay mga hakbang na kayang gawin ng lahat upang makaiwas sa sakit at mapanatili ang malakas na pangangatawan," aniya.


Bukod sa pisikal na aspeto, binigyang-pansin din ng bise mayor ang mental health, na aniya ay kasing-halaga ng ating pisikal na kalagayan. Hinimok niya ang mga San Rafaeleño na huwag mag-atubiling humingi ng tulong at pangalagaan ang kanilang emosyonal na kalusugan sa gitna ng mga hamon ng buhay.


Katuwang ang Sangguniang Bayan at ang Municipal Health Office, patuloy ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Cipriano "Goto" Violago, Jr. sa paglalapit ng mga serbisyong medikal sa mga barangay upang masiguro na ang bawat pamilya ay may akses sa de-kalidad na kagamitan at kaukulang atensyong pangkalusugan.

Comments


bottom of page