top of page

Pamahalaang Bayan, Nagpasalamat sa Suporta at Aktibong Pakikilahok ng mga Residente


Upang mas mapatingkad ang isang pamahalaang nakikinig at madaling lapitan, muling tiniyak ng Lokal na Pamahalaang Bayan na nananatiling bukas ang kanilang tanggapan para sa lahat ng mamamayang San Rafaeleño na nangangailangan ng tulong o nais magbahagi ng kanilang mga mungkahi.


Ang hakbang na ito ay bahagi ng adbokasya ng kasalukuyang administrasyon sa pamumuno nina Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison M. Veneracion, na naniniwalang ang bawat boses ng mamamayan ay may malaking ambag sa pag-unlad ng bayan.



Bukas ang munisipyo sa pagtanggap ng mga residenteng humihingi ng iba't ibang tulong, nagbabahagi ng mga opinyon, o naglalapit ng mga bagong programa at adhikaing makatutulong sa komunidad.


Nagpaabot din ng malaking pasasalamat ang pamahalaang bayan sa patuloy na pagtitiwala, suporta, at pakikiisa ng publiko. Ayon sa pamunuan, ang bawat pagbisita at suhestiyon ng mga mamamayan ay nagsisilbing mahalagang gabay upang higit pang mapahusay at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo.


Sa pamamagitan ng pagkakaisa at aktibong pakikilahok ng bawat sektor, layunin ng lokal na pamahalaan na mas mapagtibay ang isang gobyernong tunay na naglilingkod, nagmamalasakit, at patuloy na nagsusulong ng makabuluhang pagbabago para sa buong San Rafael.

Comments


bottom of page