Pagpupugay sa Munting San Rafaeleño: MSWD at Sangguniang Bayan, Nakiisa sa Day Care Moving Up
- SB San Rafael

- Mar 29
- 1 min read

Isang masaya at makabuluhang yugto ang ipinagdiwang ng bayan matapos matagumpay na idaos ang Moving Up Ceremony para sa mahigit kumulang 1,082 munting mag-aaral mula sa iba’t ibang Day Care Centers ng San Rafael.
Ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ng Tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Gng. Vicky Ramos. Layunin ng seremonyang ito na kilalanin ang unang tagumpay ng mga bata sa kanilang pormal na edukasyon at pasalamatan ang dedikasyon ng mga magulang at Day Care workers.
Personal na nakiisa sa selebrasyon ang ating Pangalawang Punong Bayan, Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion, kasama ang mga kagalang-galang na Kagawad ng Sangguniang Bayan at mga Punong Barangay. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Mayor Edison ang kahalagahan ng paggabay sa mga bata sa murang edad pa lamang upang sila ay lumaking may mabuting asal at pagmamahal sa karunungan.
Nagpaabot din ng kanyang mainit na pagbati si Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" Violago, Jr. sa pamamagitan ni Secretary to the Mayor, Acmad Calaca. Binigyang-diin sa kanyang mensahe ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang pambata at sa pagpapaunlad ng mga pasilidad sa bawat Day Care Center sa bayan.
Ang tagumpay na ito ng 1,082 na mag-aaral ay tunay na simbolo ng pag-asa para sa kinabukasan ng ating mahal na bayan. Hangad ng Pamahalaang Bayan ang patuloy na sigasig ng mga magulang sa pagsuporta sa pag-aaral ng kanilang mga anak.





Comments