top of page

Paghahanda sa Super Typhoon Inday: San Rafael, Nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment


Bilang maagang paghahanda at upang matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan, kasalukuyang isinasagawa ngayong araw ang isang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) sa bayang ito, kasunod ng banta ng Super Typhoon Inday na kasalukuyan nang nararanasan sa ilang bahagi ng bansa.


Ang mahalagang pulong ay inilunsad sa inisyatiba ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. at pinangungunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Katuwang din sa aktibidad ang mga pinuno at hepe ng iba't ibang tanggapan at lokal na ahensya ng Pamahalaang Bayan.



Pangunahing layunin ng pagpupulong na suriin ang kahandaan ng bawat departamento, paigtingin ang mabilis na koordinasyon, at ilatag ang mga contingency plans o mga kinakailangang hakbang sa pagresponde. Kabilang dito ang pagsubaybay sa mga high-risk areas, paghahanda ng mga evacuation centers, at pagsisiguro na sapat ang mga emergency supplies at kagamitan.


Ayon sa pamunuan ng MDRRMO, ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Mayor Goto Violago na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng bawat pamilyang San Rafaeleño upang makamit ang zero casualty sakaling maranasan ang hagupit ng bagyo sa bayan.


Samantala, nananawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado ngunit alerto. Pinapayuhan ang lahat na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo sa kanilang Facebook page at makiisa sa mga babala at paalala ng mga otoridad para sa kaligtasan ng lahat.

Comments


bottom of page