Mutya ng Buntis 2026, Ilulunsad ng San Rafael Ngayong Buwan ng Nutrisyon
- SB San Rafael

- Jun 17
- 2 min read

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-52 Buwan ng Nutrisyon ngayong darating na Hulyo 1-31, 2026, opisyal nang inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang natatanging patimpalak na Mutya ng Buntis 2026.
Gugulong ang paligsahan taglay ang temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!” na may layuning isulong ang adbokasiyang “Malusog na Ina, Malusog na Sanggol, Matatag na Pamilya.” Sentro ng programa na maipakita ang kahalagahan ng tamang pangangalaga sa kalusugan ng mga nagdadalang-tao tungo sa pagsisilang ng isang masiglang sanggol.

Narito ang mga itinakdang Kwalipikasyon para sa mga Kalahok:
Lehitimong residente ng barangay na kaniyang kinakatawan.
Kasalukuyang nasa ikalawang semester ng pagbubuntis (4-6 na buwan, ayon sa sertipikasyon ng Rural Health Unit o RHU).
Nakarehistro at regular na nagpapatingin sa RHU o Barangay Health Station (BHS).
May normal na Body Mass Index (BMI) bago o sa simula ng pagbubuntis batay sa rekord ng RHU.
May hindi hihigit sa tatlong (3) buhay na anak.
May sertipikasyon mula sa Municipal/Barangay Health Office na siya ay ligtas na sumali.
Maaaring magpadala ng isang (1) kinatawan ang bawat barangay, subalit sampung (10) opisyal na kalahok lamang ang pipiliin para sa huling yugto.
Sa araw ng paligsahan, ang mga mapipiling ina ay magpapasiklaban sa tatlong kategorya: Casual Wear/Introduction, Advocacy Wear, at ang Question and Answer Portion.
Ayon sa pamunuan, ang lahat ng kasuotan ay dapat na disente, komportable, at angkop sa kalagayan ng buntis. Inaasahan din na magpapakita ng sapat na kaalaman ang mga kalahok ukol sa nutrisyon, kalusugan ng ina at sanggol, at tamang pag-aalaga sa sarili. Mahigpit namang ipinagbabawal ang anumang presentasyon na maaaring makasama sa kalusugan ng mga ina at ng kanilang dinadalang-tao. Ang magiging pasya ng Lupon ng mga Hurado ay pinal at hindi na maaaring bawiin.





Comments