top of page

MUNICIPAL CHILDREN’S CONGRESS, ISINAGAWA SA SAN RAFAEL

Nov 9
2 min read

Isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael, sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Local Council for the Protection of Children (LCPC), ang Municipal Children’s Congress nitong Nobyembre 6, 2026 sa Victory Coliseum bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month 2026.


May temang “Manindigan! Tumugon at Kumalinga: Sa Batang Handa, Mas Ligtas ang Bansa!”, layunin ng pagtitipon na palawakin ang kaalaman ng mga bata tungkol sa kanilang mga karapatan at bigyang-halaga ang kanilang pakikilahok sa mga usaping may kaugnayan sa kanilang kapakanan.



Isa sa mga pangunahing bahagi ng programa ang paglalahad ng State of the Children Address (SOCA) ni Acting Municipal Mayor Edison M. Veneracion, kung saan tinalakay ang kalagayan ng mga bata sa San Rafael at ang mga programa at serbisyong ipinatutupad ng lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan, kalusugan, edukasyon, proteksiyon at pag-unlad.


Nakiisa rin sa aktibidad sina Municipal Administrator Dra. Marina R. Viente, Konsehala Ate Mel Santos, Kon. Doy Vicho, Kon. Vic Paulino at Kon. Jolo Viceo, na nagpahayag ng suporta sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga bata. Kinilala rin ang patuloy na suporta ni Mayor Cipriano D. Violago, Jr. sa mga programang naglalayong mapabuti ang kalagayan at edukasyon ng mga batang San Rafaeleño.


Binigyang-diin sa kongreso ang pagpapalakas ng mga programa sa kalusugan, nutrisyon, edukasyon at proteksiyon laban sa pang-aabuso at karahasan. Nabigyan din ng pagkakataon ang mga batang kalahok na maipahayag ang kanilang mga pananaw, pangangailangan at mithiin.


Tinalakay rin ang apat na pangunahing karapatan ng mga bata: karapatan sa buhay at kaligtasan, pag-unlad, proteksiyon at pakikilahok.


Sa pamamagitan ng aktibidad, muling pinagtibay ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan, paaralan, pamilya at komunidad upang makabuo ng isang ligtas, inklusibo at makabatang pamayanan kung saan ang bawat bata ay may pagkakataong matuto, umunlad at magkaroon ng magandang kinabukasan.



Comments


bottom of page