top of page

Mga Lider ng TODA sa San Rafael, Sumalang sa KATROPA Training


Kasalukuyang isinasagawa sa compound ng Pamahalaang Bayan ang isang makabuluhang seminar na pinamagatang Responsible Parenthood and Family Leadership Training, sa ilalim ng programang KATROPA (KAlalakihang Tapat sa Responsibilidad at Obligasyon sa PAmilya).


Ang naturang pagsasanay ay pinangasiwaan ng Municipal Population Office (MPO) ng San Rafael. Ang mga pangunahing kalahok sa aktibidad na ito ay ang mga pangulo ng iba't ibang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa buong bayan, na kilalang aktibong katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan, disiplina, at kaligtasan sa komunidad.



Layunin ng programang KATROPA na palakasin ang kamalayan at paandarin ang liderato ng mga ama at pinuno ng komunidad hinggil sa kanilang natatanging papel sa pamilya—bilang matatag na gabay, tagapagtanggol, at huwaran ng responsableng pag-uugali.


Sa kabuuan ng pagsasanay, masusing tinalakay ang mga mahahalagang paksa tulad ng tamang pag-aaruga at paggabay sa pamilya, gender sensitivity, epektibong komunikasyon sa loob ng tahanan, at ang wastong pagpaplano para sa kinabukasan ng bawat miyembro ng sambahayan.


Ang inisyatibong ito ay patunay ng walang humpay na suporta ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa mga programang naglalayong hubugin ang bawat indibidwal, partikular na ang mga kalalakihan, upang maging responsableng mamamayan at huwarang haligi ng kani-kanilang mga tahanan.

Comments


bottom of page