MDRRMO San Rafael, Naglabas ng Weather Advisory ukol sa Banta ng Habagat
- SB San Rafael

- Aug 15
- 1 min read

Nagpalabas ng opisyal na paalala ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) San Rafael kasunod ng inilabas na Weather Advisory No. 56 ng PAGASA ukol sa patuloy na epekto ng Habagat (Southwest Monsoon).
Ayon sa ulat ng tanggapan ngayong Agosto 15, 2026, inaasahan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan (50-100 mm) sa mga katabing lalawigan at rehiyon, kabilang ang Pangasinan, Zambales, Bataan, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro hanggang Agosto 18.
Bagamat nakatutok ang malalakas na buhos ng ulan sa mga nabanggit na lalawigan at matataas na lugar, nagpaalala ang MDRRMO San Rafael na ang mga naunang pag-ulan ay maaari pa ring magdulot ng pagtaas ng tubig-baha o paglambot ng lupa.
Ibinahagi rin ng MDRRMO ang mahalagang pagkakaiba ng mga abiso mula sa PAGASA:
Heavy Rainfall Warning: Nagbibigay ng localized at real-time na ulat sa loob ng susunod na tatlong (3) oras gamit ang Doppler radar, na ginagamit bilang pangunahing batayan sa suspension ng klase at mabilisang desisyon sa paglikas.
Weather Advisory: Nagbibigay ng mas malawak na 24-hour forecast sa antas ng lalawigan.

Ang maagap na pagpapakalat ng impormasyon at paghahanda sa sakuna ay patuloy na itinaguyod ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael sa pangunguna nina Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" M. Veneracion, kasama ang Sangguniang Bayan, upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.





Comments