top of page

Makabagong Agrikultura at Pangingisda, Isinailalim sa Public Hearing ng Sangguniang Bayan

Upang mas mapalakas ang sektor ng pagsasaka at pangingisda sa bayan, matagumpay na isinagawa ng Sangguniang Bayan ng San Rafael ang isang Public Hearing para sa dalawang mahahalagang panukalang ordinansa.


Ang naturang pagpupulong ay pinangunahan ni Kgg. Nestor V. Vicho, Tagapangulo ng Committee on Agriculture, Food and Cooperative, sa ilalim ng patnubay ni Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" M. Veneracion, kasama ang mga iginagalang na Kagawad ng Sangguniang Bayan. Dumalo rin sa pagdinig ang mga lokal na magsasaka, mangingisda, at mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor upang ibahagi ang kanilang mga komento at mungkahi.


Isinalang sa talakayan ang dalawang pangunahing panukalang batas:


  1. Local Agriculture and Fisheries Modernization Plan (LAFMP) para sa CY 2027-2031: Isang ordinansa na naglalayong pormal na patakbuhin at pondohan ang limang taong plano para sa modernisasyon ng agrikultura at pangingisda sa San Rafael. Layunin nitong maghatid ng mas makabagong teknolohiya, pasilidad, at suporta sa mga lokal na prodyuser.


  2. Registrasyon ng mga Makinarya at Kagamitang Pang-agrikultura at Pangingisda: Isang ordinansa na magpapatupad ng opisyal na pagpapatala ng pagmamay-ari ng mga makinaryang pansakahan at pampangingisda sa loob ng bayan. Ito ay alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2018-02 ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) at Kagawaran ng Interyor at Lokal na Pamahalaan (DILG).


Ayon kay Konsehal Vicho, mahalaga ang mga panukalang ito upang matiyak na protektado ang mga kagamitan ng mga magsasaka at mangingisda, habang unti-unting ibinabangon at iminamoderno ang kanilang kabuhayan.


Sa pamamagitan ng pampublikong pagdinig na ito, tinitiyak ng Sangguniang Bayan na transparent at may partisipasyon ang mamamayan sa pagbalangkas ng mga batas na direktang magpapaunlad sa sektor ng agrikultura na siyang pangunahing hiyas ng bayan ng San Rafael.



Comments


bottom of page