Lokal na Pamahalaan ng San Rafael, Nagpaabot ng Ayuda sa mga Mamamayan
- SB San Rafael

- May 5
- 1 min read

Bilang mabilis na pagtugon sa nararanasang krisis sa langis at ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, nagsagawa ng pamamahagi ng tulong ang Lokal na Pamahalaan ng San Rafael para sa mga kababayang lubos na nangangailangan.
Ang naturang inisyatiba ay pinangasiwaan ng mga kawani ng pamahalaan, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development (MSWD) at mga Daycare Teachers. Layunin ng programang ito na makapaghatid ng agarang ginhawa sa mga pamilyang hirap na makasabay sa bigat ng mga gastusin sa araw-araw.

Ayon sa pamunuan, patuloy ang pagsisikap ni Punong Bayan Kgg. Cipriano D. Violago, Jr. at ng buong Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison M. Veneracion na makahanap ng mga paraan upang maabutan ng tulong ang lahat ng sektor sa mga susunod pang pagkakataon. Aktibo ring nakikipag-ugnayan ang mga pinuno ng bayan sa iba’t ibang tanggapan upang mas mapalawak ang mga programang makatutulong sa pangangailangan ng mamamayan.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na makakaasa ang bawat San Rafaeleño na tuloy-tuloy ang mga inisyatibang naglalayong mapagaan ang buhay ng bawat pamilya at maisulong ang kabuuang pag-unlad ng bayan sa gitna ng mga hamon ng ekonomiya.





Comments