top of page

Lokal na Lehislatura at Brgy. Maasim, Nagpulong Ukol sa Transparansya at Maayos na Serbisyo


Upang masiguro ang tapat, malinis, at maayos na pamamahala sa mga lokal na komunidad, isang mahalagang Blue Ribbon Committee Meeting ang matagumpay na isinagawa sa Tanggapan ng Pangalawang Punongbayan.


Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga opisyal at kagawad mula sa Barangay Maasim upang plantsahin ang mga usaping may kinalaman sa tamang pamamalakad at pangangasiwa sa kanilang nasasakupan.


Pangunahing layunin ng komite na suriin at talakayin ang mga pamantayan ng good governance o mabuting pamamahala, gayundin ang iba pang mahahalagang usapin na direktang makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan, kapakanan, at seguridad ng mga mamamayan sa nasabing barangay.


Ayon sa pamunuan ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ng Tanggapan ng Pangalawang Punongbayan, ang mga ganitong uri ng pagpupulong ay mahalaga upang mapanatili ang bukas na linya ng komunikasyon sa pagitan ng munisipyo at ng mga barangay. Ito rin ay paraan upang masigurong ang bawat programa at pondo ng pamahalaan ay nagagamit sa tama at transparent na paraan.


Nananatiling committed ang lokal na pamahalaan ng San Rafael sa paggabay sa mga opisyal ng barangay upang mas itaas pa ang kalidad ng serbisyo-publiko na natatanggap ng bawat San Rafaeleño.

Comments


bottom of page