top of page

Kahandaan sa Sakuna, Binigyang-Diin sa Paggunita ng National Disaster Resilience Month


Upang higit na mapataas ang antas ng kamalayan at kahandaan ng mamamayan laban sa mga kalamidad, nakiisa si Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison M. Veneracion sa paggunita ng National Disaster Resilience Month (NDRM) ngayong buwan ng Hulyo.


Ang taunang pagdiriwang na ito ay alinsunod sa itinakda ng Executive Order No. 29, na naglalayong magpatupad ng mga aktibidad at programang magpapatatag sa kakayahan ng mga komunidad na harapin ang mga sakuna.


Ayon sa pahayag ni Vice Mayor Veneracion, na mas kilala ng kaniyang mga kababayan sa tawag na "Kuya Edison," ang mga nakalipas na buwan ay naging hamon sa bansa dahil sa mga naranasang sakuna tulad ng malalakas na lindol, mapaminsalang sunog, at sunod-sunod na bagyo na nag-iwan ng pinsala sa maraming pamilya. Aniya, ang mga pangyayaring ito ay malinaw na paalala na ang kahandaan ay isang seryosong bagay na hindi kailanman dapat ipinagpapaliban.


Binigyang-diin din ng bise alkalde na ang susi sa isang matatag na bayan ay nagmumula sa sama-samang pagpaplano, pagkakaroon ng tamang kaalaman ng bawat pamilya, at aktibong pagtutulungan sa loob ng komunidad.


"Laging tandaan: ang pagiging handa ngayon ay makapagliligtas ng buhay bukas," paalala ni VM Veneracion, sabay ganyak sa mga San Rafaeleño na makilahok sa mga disaster preparedness drills at seminar na inilulunsad ng lokal na pamahalaan.

Comments


bottom of page