top of page

Ika-32 Regular na Pagpupulong ng Sangguniang Bayan ng San Rafael, Nagpatibay ng Mahahalagang Kapasiyahan


Isinagawa ng Sangguniang Bayan ng San Rafael ang ika-32 na pangkaraniwang pagpupulong nito sa pangunguna ni Vice Mayor at Presiding Officer Kgg. Edison M. Veneracion, kasama ang mga kagawad ng Sangguniang Bayan, upang talakayin at pagtibayin ang ilang mahahalagang kapasiyahan at usapin para sa kapakanan ng mga mamamayan.



Kabilang sa mga napagpatibay sa ilalim ng mga dagling talakayin ang resolusyong nagbibigay-awtoridad kay Municipal Mayor Kgg. Cipriano D. Violago, Jr. na ipatupad ang rate adjustment sa kasunduan sa Metro Clark Waste Management Corporation (MCWM) para sa hauling at tipping services. Itinaas ang singil mula P1,350.00 tungo sa P1,420.00 kada cubic meter (CBM) para sa panahon mula Agosto 1 hanggang Agosto 31, 2026.


Napagpatibay rin ang resolusyong humihiling ng ordinansa para sa pagbibigay ng honorarium sa mga 4Ps Parents Leaders ng bayan bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at serbisyo sa kani-kanilang komunidad.


Isa sa pinakamahalagang kapasiyahang inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang Municipal Resolution No. 2026-229, na nagdedeklara ng State of Calamity sa Municipality of San Rafael, Bulacan dahil sa malawakang pagbaha at iba pang epekto ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat, alinsunod sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).


Samantala, sa ikatlo at huling pagbasa, pinagtibay din ng konseho ang ilang supplemental budget at paglilipat ng pondo ng mga barangay at Sangguniang Kabataan.

Kabilang dito ang Supplemental Budget No. 01 ng SK Caingin na nagkakahalaga ng P763,796.80; Barangay Diliman I na P261,601.99; Barangay Talacsan na P231,788.52; at Barangay Dagat-dagatan na P182,333.12.


Inaprubahan din ang ilang kahilingan para sa paglilipat ng pondo. Sa Barangay Diliman I, inaprubahan ang paglilipat ng P6,445.00 para sa concreting of road. Sa Barangay Talacsan, P119,037.65 ang ilalaan para sa karagdagang concreting of pathways, habang P11,458.30 naman ang ilalaan ng Barangay Dagat-dagatan para sa karagdagang pambili ng lote.


Tinalakay rin ng konseho ang mga kahilingan para sa reclassification ng ilang lupang agrikultural. Kabilang dito ang 108,335 metro kuwadradong lote sa Barangay Capihan na hinihiling na ma-reclassify bilang industrial, commercial, at residential para sa planong pagtatayo ng limang warehouse, gas station, at commercial buildings.


Mayroon ding kahilingan para sa reclassification ng 14,426 metro kuwadradong lote sa Barangay Pulo mula agricultural tungo sa residential.


Sa kabila ng masamang panahon at iba pang hamon, ipinagpatuloy ng Sangguniang Bayan ang pagtupad sa tungkulin nito bilang katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga San Rafaelense.


Patuloy na binibigyang-diin ng konseho na ang serbisyo publiko ay nangangailangan ng malasakit, dedikasyon, at kahandaang kumilos sa anumang pagkakataon—lalo na sa panahon ng kalamidad at iba pang pagsubok na kinakaharap ng komunidad.

Comments


bottom of page