top of page

Drug-Free Workplace Technical Working Group, Nagpulong Ukol sa Mas Higit na Produktibong Trabaho


Upang masiguro ang kaligtasan at mapanatili ang integridad ng mga lingkod-bayan, nagsagawa ng isang mahalagang pagpupulong ang Drug-Free Workplace Technical Working Group ng pamahalaang lokal upang talakayin at pormal na buuin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Drug-Free Workplace (DFW) Policy and Program.



Pangunahing layunin ng pagpupulong na makabuo ng malinaw at komprehensibong mga alituntunin na magsisilbing pangunahing gabay sa epektibong pagpapatupad ng nasabing programa sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Bayan.


Sa loob ng talakayan, masinsinang hinimay ng Technical Working Group ang mga probisyon, partikular na ang mga tiyak na tungkulin at pananagutan ng bawat kinauukulang opisina. Sinalang din sa pag-aaral ang mga mekanismo para sa tamang pagpapatupad, regular na pagsubaybay, at masusing pagsusuri ng programa.


Ayon sa lupon, ang hakbang na ito ay mahalaga upang matiyak na ang bawat sulok ng munisipyo at mga lokal na tanggapan ay mananatiling ligtas, malusog, at produktibong lugar ng trabaho na malaya sa impluwensya ng anomang ipinagbabawal na gamot.


Ang pagbuo sa IRR na ito ay bahagi ng mas malawak na adyenda ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael na itaguyod ang tapat, malinis, at mapagkakatiwalaang pamamahala para sa kapakanan ng lahat ng mamamayang San Rafaeleño.

Comments


bottom of page