Dalawang Guro sa San Rafael, Pasado sa National Assessment!
- SB San Rafael

- 5 days ago
- 1 min read

Muling nagbunga ng karangalan ang sektor ng edukasyon sa bayan matapos opisyal na ianunsyo ang pagpasa nina Ma'am Catherine V. Ibay ng Carlos F. Gonzales High School at Ma'am Belinda DG. Bermido na School Head ng Makapilapil Elementary School sa katatapos lamang na FY 2026 National Assessment for School Heads (NASH).
Ang prestihiyosong pagsusulit at pagtatasa ay isinagawa sa ilalim ng mga pamantayan ng Philippine Professional Standards for School Heads (PPSSH), na naglalayong tiyakin ang mataas na kalidad ng pamumuno at pamamahala sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Taos-pusong pagbati at pagkilala ang ipinaabot ng buong Pamahalaang Bayan ng San Rafael, sa pamumuno ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr., para sa dalawang natatanging edukador.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang tagumpay na ito ay patunay ng labis na husay, talino, at dedikasyon ng mga gurong San Rafaeleño sa larangan ng serbisyo-publiko.
Ang tagumpay nina Ma'am Ibay at Ma'am Bermido ay inaasahang magsisilbing inspirasyon sa buong komunidad ng mga guro sa bayan upang patuloy na itaguyod ang kahusayan sa pamamahala ng mga paaralan, para sa mas magandang kinabukasan ng mga mag-aaral sa San Rafael.





Comments