top of page

San Rafael, Nakiisa sa World Tuberculosis Day


Kasabay ng paggunita sa World Tuberculosis Day, muling binigyang-diin ng Pamahalaang Bayan ng San Rafael ang kahalagahan ng maagang deteksyon at tamang impormasyon upang tuluyang masugpo ang sakit na tuberculosis (TB) sa ating komunidad.


Sa isang pahayag, nakiisa ang Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" Veneracion sa pandaigdigang panawagan na paigtingin ang kamalayan ng publiko tungkol sa TB. Ayon kay Vice Mayor Edison, bagama't isa ito sa mga pangunahing sakit na kinakaharap ng bansa, ito ay nananatiling maiiwasan at lubos na nagagamot kung agad na maaagapan.


"Ang maagang pagpapasuri at pagsunod sa tamang gamutan ay napakahalaga hindi lamang para sa kaligtasan ng pasyente, kundi upang mapigilan din ang pagkalat nito sa ating mga mahal sa buhay," ani Kuya Edison.


Katuwang ang Municipal Health Office at sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Cipriano "Goto" Violago, Jr., patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng libreng serbisyong medikal at mga gamot para sa TB sa bawat barangay health center. Layunin nito na masiguro na ang bawat San Rafaeleño ay may sapat na akses sa de-kalidad na kalinga at suporta.


Hinimok din ng Sangguniang Bayan ang mga mamamayan na huwag matakot o mahiya na kumunsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sintomas tulad ng matagal na pag-ubo. Ang pagkakaisa at tamang pag-iingat ang magsisilbing sandigan ng bayan tungo sa isang mas malusog at TB-free na San Rafael.

Comments


bottom of page