Pamahalaang Bayan, Nagbabala Laban sa Ilegal na Pagsisiga
- SB San Rafael

- May 20
- 1 min read

Upang mapangalagaan ang kalidad ng hangin at ang kalusugan ng mamamayan, muling nagpalabas ng isang mahigpit na babala ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) San Rafael laban sa ilegal na pagsisiga.
Ayon sa MENRO, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsisiga ng anumang uri ng basura o tuyong dahon, at nilinaw ng ahensya na sakop ng batas na ito maging ang mga nagaganap sa loob ng sariling bakuran ng mga residente. Ang pagsisiga ay tahasang paglabag sa Clean Air Act (Republic Act 8749) at Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act 9003) dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan at sa baga ng tao.
Kaugnay nito, humihingi ng tulong at pakikipagtulungan ang MENRO sa publiko upang matukoy at mapigilan ang mga pasaway na patuloy na sumusuway sa patakarang ito.
Pinakikiusapan ang sinumang makakakita ng nagsisiga sa kanilang lugar na gawin ang mga sumusunod upang maisuplong ito:
Kuhanan ng litrato ang aktuwal na pagsisiga bilang ebidensya.
Ipadala ang larawan sa opisyal na Messenger account ng MENRO San Rafael.
Ilagay ang detalye ng eksaktong lugar (Barangay/Sitio) at oras kung kailan naganap ang pagsisiga.
Umaasa ang lokal na pamahalaan sa aktibong pakikilahok ng bawat San Rafaeleño upang mapanatiling malinis ang hangin at ligtas ang komunidad mula sa polusyon at banta ng sunog.





Comments