top of page

Pakikiramay para sa Pamilya ng Yumao na si Kapitan Felicito Avendaño, Ipinabot ng Sangguniang Bayan



Nagpaabot ng opisyal at taos-pusong pakikiramay ang Sangguniang Bayan ng San Rafael sa pamilya, mga mahal sa buhay, at sa buong pamayanan ng Barangay Banca-banca kasunod ng pagpanaw ng kanilang minamahal na Punong Barangay, Kgg. Felicito F. Avendaño.



Bilang pakikiisa sa pagluluksa at pagpapakita ng mataas na paggalang sa kaniyang naging tapat at buong-pusong serbisyo, nagkaloob ang Sangguniang Bayan ng isang Kapasiyahan ng Pakikiramay. Ang pagkilalang ito ay pinangunahan ni Pangalawang Punongbayan Kgg. Edison M. Veneracion kasama ang lahat ng mga iginagalang na Kagawad ng bayan.


Ayon sa lokal na lehislatura, ang kapasiyahang ito ay isang pagpupugay sa natatanging dedikasyon, katapatan, at hindi matatawarang malasakit sa kapwa na ipinamalas ni Kapitan Avendaño noong siya ay nabubuhay pa. Ang kaniyang mga nagawa at legasiya para sa kaniyang mga nasasakupan ay mananatiling mahalagang bahagi ng kasaysayan at alaala ng komunidad.


Idinalangin din ng pamahalaang bayan, sa pangunguna nina Vice Mayor Veneracion at Mayor Cipriano "Goto" D. Violago, Jr., ang walang hanggang kapayapaan para sa kaluluwa ng yumao, gayundin ang lakas ng loob at pag-asa para sa pamilyang naiwan sa gitna ng matinding pagsubok na ito.

Comments


bottom of page