Deadline ng Mayor’s Scholarship Program, Itinakda sa Agosto 5
- SB San Rafael

- Jul 6
- 2 min read

Upang patuloy na matulungan ang mga kabataang San Rafaeleño na makatapos ng kanilang pag-aaral, opisyal nang binuksan ng Pamahalaang Bayan ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Mayor Cipriano D. Violago, Jr. Scholarship Program para sa Unang Semestre ng S.Y. 2026-2027.
Ang programang ito na itinataguyod ni Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. ay naglalayong maghatid ng tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong mag-aaral sa kolehiyo. Ang deadline para sa pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento ay itinakda sa Agosto 5, 2026.
Narito ang mga pangunahing Kwalipikasyon upang makapag-apply:
Isang bona fide resident o tunay na naninirahan sa San Rafael, Bulacan.
Kasalukuyang nakatala bilang College Student sa anomang kolehiyo o unibersidad.
Walang bagsak o na-drop na asignatura, at may General Average na 85% o 2.25 pataas.
Isang (1) miyembro lamang sa bawat pamilya ang maaaring makakuha ng scholarship.
Ang mga dating iskolar (old scholars) ay kinakailangan ding muling mag-apply kasabay ng mga bagong aplikante.
(Para sa anak ng Solo Parent: Magpasa ng photocopy ng pinakabagong Solo Parent ID na may 1-year validity).
Ang mga aplikante ay kailangang mag-download ng application form sa opisyal na link (https://drive.google.com/file/d/1FWQ-2wW2vK0-U0q2_zHWhK9y3U3W_YF6/view) at sagutan ito gamit ang kompyuter o gadyet (typewritten). Hindi tatanggapin ang mga application form na isinulat lamang sa kamay. Matapos sagutan, i-print ito sa long-size bond paper.
Ang lahat ng kumpletong requirements ay personal na isusumite sa General Services Office (GSO), Ground Floor, Municipal Hall, San Rafael Government Center sa Barangay Sampaloc. Paalala ng pamahalaang lokal na hindi tatanggapin ang mga aplikasyong kulang ang dokumento. Ang detalye naman para sa gaganaping Qualifying Examination ay iaanunsyo sa opisyal na Facebook page ng bayan.
Para sa mga Incoming Freshmen (Unang Taon sa Kolehiyo):
Photocopy ng Certificate of Registration (COR) para sa 1st Sem S.Y. 2026-2027.
Certified True Copy (CTC) ng Report Card (Form 138) na may average na 85% pataas (mula sa pinagtapusan na High School).
Barangay Certificate of Indigency (Original Copy).
Personal na Liham-Kahilingan (Request Letter) na nakapangalan kay Mayor Cipriano D. Violago, Jr.
Photocopy ng School ID o Valid Government ID (may kasamang 3 specimen signatures).
Para sa mga nasa 2nd Year College Pataas:
Photocopy ng Certificate of Registration (COR) para sa 1st Sem S.Y. 2026-2027.
Photocopy ng Certificate of Registration (COR) para sa 2nd Sem S.Y. 2025-2026.
Certified True Copy (CTC) ng Certificate of Grades (COG) noong huling semestre (2nd Sem S.Y. 2025-2026).
Barangay Certificate of Indigency (Original Copy).
Personal na Liham-Kahilingan (Request Letter) na nakapangalan kay Mayor Cipriano D. Violago, Jr.
Photocopy ng School ID o Valid Government ID (may kasamang 3 specimen signatures).





Comments