top of page

Makabagong Pagtatanim Gamit ang Precision Seeder, Isinulong sa San Rafael Techno Demo Site


Upang tuluy-tuloy na maitaguyod ang modernisasyon sa pagsasaka at pataasin ang kita ng mga lokal na magsasaka, muling isinulong ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng San Rafael ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng Precision Seeder.


Ang naturang kagamitan ay ginamit sa Expanded On-Farm Technology Demonstration (EOFTD) Site para sa Varietal Trial ng 600 Series Rice Varieties sa ilalim ng programang OneRicePH.



Sa pamamagitan ng Precision Seeder, mas napapabilis ang pagtatanim, nagiging pantay ang pagitan ng mga hanay ng palay, at mas nakokontrol ang paghulog ng bawat butil ng binhi. Dahil dito, nababawasan ang nasasayang na binhi habang napapabuti ang pagtubo at kalidad ng ani. Ang makabagong kagamitang ito ay ipinahiram ng Agri-Business Farm Workers and Livelihood Agriculture Cooperative bilang suporta sa mekanisasyon ng agrikultura sa bayan.


Kasabay nito, isinasagawa ang pagsubok sa 600 Series Rice Varieties upang matukoy kung aling barayti ng palay ang pinakaangkop sa lupa at klima ng San Rafael. Ang mga lalabas na resulta ay magsisilbing gabay sa mga magsasaka sa pagpili ng mga binhing mataas ang ani at matibay sa mga peste at pagbabago ng panahon.


Ang proyektong ito ay matagumpay na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office ng San Rafael, Provincial Agriculture Office ng Bulacan, Department of Agriculture – Regional Field Office III (DA RFO III), at PhilRice.


Ang inisyatibong ito ay buong pusong pinangangalagaan at sinusuportahan ng Pamahalaang Bayan sa pamumuno nina Punong Bayan Kgg. Cipriano "Goto" D. Violago, Jr. at Pangalawang Punong Bayan Kgg. Edison "Kuya Edison" M. Veneracion upang matiyak ang masagana at makabagong sektor ng agrikultura sa buong bayan.

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page